Thursday, January 20, 2011

Tale of the Old Town

       Ayon sa kwento, noong unang panahon ay may konti lang na mga naninirahan sa aming barangay. Napakaraming puno ang nasabing lugar at animoy parang gubat. Sa pagdaan ng mga taon, pinutol ng mga naninirahan ang ilang mga puno at nilinis ang lugar upang pagtaniman ng palay. 
       Sinasabing sa taong 1818, nabulabog ang mga naninirahan ng sinakop ang kanilang lugar ng mga taong tinatawag na "Terong". Ang mga "Terong" ay parang mga normal din na tao sa kabuuan maliban sa kanilang mga ngipin na kulay itim!
        Dumating ang mga taong ito sa lugar sa pamamagitan ng kanilang mga bangka. Lumalakbay ang mga "Terong" sa iba't ibang lugar upang manghuli ng mga tao na ibinebenta naman nila sa mga "Camokon". Ang mga "Camokon" ay sinasabing mukhang mga unggoy. Mayroon silang mga buntot at kumakain ng tao!
       Kaya ng malaman ng mga naninirahan ang tungkol sa balita ay lumipat sila ng lugar at iniwan nila ang kanilang mga kabahayan at ibang mahahalagang mga ari-arian.
       Simula noon, nanirahan na ang mga tao sa kasalukuyang sentro ng siyudad. At sa paglipas ng panahon, nawala rin ang mga "Terong" sa dating kinatitirhan ng mga tao kaya nagsibalikan din sila at doon ulit nanirahan.
       Iyan ang kwento ng Old Town in the City...

            
      

Friday, January 14, 2011

Old Town in the City

source: http://www.shopcrazy.com.ph
       Sa ating buhay, may mga lugar tayong hinding-hindi makakalimutan. Mga napuntahan natin gaya ng Singapore, Hongkong, Japan, Jerusalem, USA, Paris at iba pa na masasabi nating kakaiba at kung pwede lang doon na manirahan. Andun ang magandang trabaho, mga pasyalang kakaiba gaya ng Disneyland, mga tanawing kayganda at romantiko gaya ng sa Paris, France tsaka snow na siyempre wala sa 'pinas...
source: http://t1.gstatic.com/
       Pero naniniwala ba kayo na saang lugar ka man mapapadpad eh iba pa rin sa ating mahal na Pilipinas? Bakit kanyo? Sa ating bayan may dyip, halo-halo, biko, kare-kare, La Paz batchoy, lechon at iba pa. Samahan mo na rin ng Red horse o kaya tuba o gin (ayan kung saan na napunta topic ko)... 
       May fiesta, may festival ang iba't-ibang lugar, basketball court sa kung saang bakanteng lote naglalakihang Mall sa mga siyudad. Mula Batanes hanggang Sulu, may kanya-kanyang maipagmamalaking lugar o tradisyon ang mga yan. 
source:// http://visitpinas.com/
       Anumang unos ang danasin ng 'pinas, mamumutawi pa rin ang ngiti sa bawat Pinoy at hindi nawawala ang matibay na pananalig sa Diyos.... O di ba, iba pa rin ang ating mahal na Pilipinas?
       Sa aking pagta-trabaho sa ibang bansa, ang bawat araw na lumilipas na malayo ako sa pinagmulan ko ay parang usad pagong. Kung pwede ko lang hilain ang araw para mapabilis matapos ang kontrata ko eh gagawin ko para lang makauwi na.
source: http://3.bp.blogspot.com/
       Iba pa rin talaga sa Pilipinas, lalo na sa lugar na kinalakihan ko na lumang bayan ng siyudad. Dito kung saan ako isinilang at nagkamuwang. Nag-aral hanggang highschool at nagkaroon ng sariling pamilya. Nakaka-miss ang mga araw na naglalakad-lakad patungong tabing-dagat para magpahangin. Nakaka-miss pag tag-ulan at panahon ng tagtanim ng palay ganun din ang anihan pati pagpastol ng mga kambing at kalabaw. 
source: http://t0.gstatic.com/
        Nakakagutom pag naalala ko ang longganisa at binungey with manggang hinog. Ganun din ang pag-iihaw ng talaba at isda at kumakain ng naka-kamay lang ng tanghalian sa kubo dun sa bukid. Magpapahinga sa katanghaliang tapat sa kubo habang nagpapahangin sa may duyan.    
source: http://en.wikipilipinas.org/
      Minsan sa aking pag-iisa rito sa ibang bansa, naaalala ko yaong mga panahon ng aking kabataan na nagpapalipad lang ng saranggola at pag-akyat sa mga puno ng duhat, kaimito, kamatsile pati mangga. Laro dito, laro doon ng mga tradisyunal na laro na ngayon eh madalang mo ng makikitang nilalaro ng mga kabataan. Ika nga ng kanta ng APO, " kay simple lamang ng buhay noon, walang masyadong suliranin"... 
source: http://i2.tinypic.com/
       Ilang buwan na lang makakauwi na ako, hindi ko alam kung aalis pa ulit ako para magtrabaho sa ibang bansa.Sa ngayon may konti akong investment sa stocks. Hangga't maaari sana ayoko ng umalis at malayo sa aking mag-ina. Ayoko ng malayo pa sa Old Town in the City...
       Iyan ang Old Town in the City, maraming kwento na simple lang pero hindi makakalimutan. Hayaan nyong ibahagi ko sa inyo ang simpleng buhay sa lumang bayan ng siyudad...

"He who has a bountiful eye will be blessed..." < romer is ayeckanic, ayeckanic is romer > Ayeckanic™